Ang Paglalahad ng Pananampalataya


Banal na Kasulatan

Pinaninindigan at itinuturo namin na ang Biblia ay nasulat na kapahayagan ng Diyos para sa tao, at kaya naman ang 66 na mga aklat ng Biblia na ibinigay sa atin ng Banal na Espiritu ay binubuo ng plenaryong (kinasihan ng pantay-pantay sa lahat ng bahagi) Salita ng Diyos (1 Corinto 2:7–14; 2 Pedro 1:20,21).

Pinaninindigan at itinuturo namin na ang Salita ng Diyos ay walang kinikilingan, pinanukalang kapahayagan (1 Corinto 2:13; 1 Tesalonicalonica 2:13), kinasihan ang bawat salita (2 Timoteo 3:16), ganap na walang bahid-kamalian sa orihinal nitong mga manuskrito, walang kasinungalingan, at kinasihan ng Diyos. Itinuturo namin ang literal, grammatico-historical na pagpapaliwanag ng Kasulatan, na pinagtitibay ang paniniwala na ang pambungad na mga kabanata ng Genesis ay naghahayag sa paglikha sa loob ng anim na mga araw (Genesis 1:31; Exodo 31:17).

Pinaninindigan at itinuturo namin na ang Biblia ay bumubuo ng natatanging di-nagkakamaling sukatan ng pananampalataya at pamumuhay (Mateo 5:18; 24:35; Juan 10:35; 16:12,13; 17:17; 1 Corinto 2:13; 2 Timoteo 3:15–17; Hebreo 4:12; 2 Pedro 1:20,21).

Pinaninindigan at itinuturo namin na nagsalita ang Diyos sa Kanyang naisulat na Salita sa pamamaraan ng dalawang pagkaka-akda. Pinangunahan ng Banal na Espiritu ang mga manunulat, sa pamamagitan ng kanilang indibiduwal na mga personalidad at magkakaibang estilo ng panulat, kanilang naisulat at natala ang Salita ng Diyos para sa tao (2 Pedro 1:20,21) nang walang kamalian sa kabuuan at sa bawat bahagi (Mateo 5:18; 2 Timoteo 3:16).

Pinaninindigan at itinuturo namin na, kahit na maaaring maraming aplikasyon ang anumang talata ng Kasulatan, may iisa lamang na tunay na pagpapakahulugan. Ang kahulugan ng Kasulatan ay matatagpuan kung ang isang tao ay masikap na isasagawa ang literal, grammatico-historical na pamamaraan ng pagpapakahulugan sa ilalim ng gabay ng Banal na Espiritu (Juan 7:17; 16:12–15; 1 Corinto 2:7–15; 1 Juan 2:20). Pananagutan ng mga mananampalataya na buong ingat na tiyakin ang tunay na layunin at kahulugan ng Kasulatan, at kinikilala na ang marapat na pagsasabuhay nito ay nagsasaklaw sa lahat ng salinlahi. Subalit ang katotohanan ng Kasulatan ang titindig na tagapaghatol sa tao; hindi kailanman tagapaghatol ang tao sa Kasulatan.

Diyos

Pinaninindigan at itinuturo namin na may iisang buhay at tunay na Diyos (Deutoronomio 6:4; Isaias 45:5–7; 1 Corinto 8:4), isang walang hanggan, nakaalam ng lahat na Espiritu (Juan 4:24), perpekto sa lahat ng Kanyang katangian, iisa sa kalikasan, walang hanggang nananatili sa tatlong mga Persona—Ama, Anak, at Banal na Espiritu (Mateo 28:19; 2 Corinto 13:14)—ang bawat isa ay karapat-dapat na sambahin at sundin.

Ang Diyos Ama

Pinaninindigan at itinuturo namin na ang Diyos Ama, ang unang Persona ng Trinidad, nagpapasiya at nagsasaayos ng lahat ng bagay ayon sa Kanyang sariling layunin at kagandahang-loob (Awit 145:8,9; 1 Corinto 8:6). Siya ang Manlilikha ng lahat ng bagay (Genesis 1:1–31; Efeso 3:9). Bilang natatanging ganap at pinakamakapangyarihang tagapamahala sa sansinukob, Siya ay nakapangyayari sa sangnilikha, sa pangangalaga, at sa katubusan (Awit 103:19; Roma 11:36). Ang Kanyang pagka-Ama ay sumasakop sa Kanyang kalagayan sa Trinidad at sa Kanyang relasyon sa sangkatauhan. Bilang Manlilikha Siya ang Ama ng lahat ng tao (Efeso 4:6), ngunit Siya ay Espirituwal na Ama ng mga mananampalataya lamang (Roma 8:14; 2 Corinto 6:18). Kanyang napagpasiyahan na para lamang sa Kanyang sariling karangalan ang lahat ng bagay na magaganap (Efeso 1:11). Patuloy Niyang pinagtitibay, pinapatnubayan, at pinamamahalaan ang lahat ng nilikha at mga pangyayari (1 Cronica 29:11). Kahit na Siya ang nakapangyayari hindi Siya ang may-akda o pumapayag sa kasalanan (Habakuk 1:13), ni hindi rin Niya pina-iigsi ang pananagutan ng may moral na budhi at matalinong mga nilikha (1 Pedro 1:17). Siya ay nagmagandang-loob nang hirangin Niya mula walang hanggang nakaraan ang mga taong ninais Niyang maging Kanya (Efeso 1:4–6); inililigtas Niya mula sa kasalanan ang lahat ng mga lalapit sa Kanya; at Siya’y nagiging, dahil sa pag-aampon, Ama sa Kanyang mga hinirang (Juan 1:12; Roma 8:15; Galacia 4:5; Hebreo 12:5–9).

Ang Diyos Anak

Pinaninindigan at itinuturo namin na si Jesu-Cristo, ang ikalawang persona ng Trinidad, ay nag-aangkin ng lahat ng kamahalang kadiyusan, at sa mga ito Siya ay kasingpantay, kasing-kabuuan, at kasing-walang hanggan ng Ama (Juan 10:30; 14:9).

Pinaninindigan at itinuturo namin na nilikha ng Diyos Ama “ang langit at lupa at lahat ng naroroon” ayon sa Kanyang kalooban, sa pamamagitan ng Kanyang Anak, si Jesu-Cristo, at dahil din sa Kanya ang lahat ng bagay ay nananatili at kumikilos (Juan 1:3; Colosas 1:15–17; Hebreo 1:2).

Pinaninindigan at itinuturo namin na sa inkarnasyon (nagkatawang-tao ang Diyos) isinuko ni Cristo ang ang Kanyang mga karapatan lamang bilang Diyos ngunit hindi ang Kanyang pagkadiyos, kahit na sa antas o uri. Sa Kanyang pagsasakatawang-tao, ang walang hanggang kalagayan ng ikalawang persona ng Trinidad ay tinanggap ang lahat ng mga mahahalagang katangian ng pagkatao at kaya Siya’y naging Diyos-tao (Filipos 2:5–8; Colosas 2:9).

Pinaninindigan at itinuturo namin na kumakatawan si Jesu-Cristo sa sangkatauhan at pagka-Diyos sa di-mahihiwalay na kaisahan (Micah 5:2; Juan 5:23; 14:9,10; Colosas 2:9).

Pinaninindigan at itinuturo namin na ang ating Panginoong Jesu-Cristo ay isinilang ng isang birhen (Isaias 7:14; Mateo 1:23,25; Lukas 1:26–35); na Siya ay Diyos na nagkatawang-tao (Juan 1:1,14); at ang layunin ng inkarnayon ay maihayag ang Diyos, tubusin ang tao, at maghari sa kaharian ng Diyos (Awit 2:7–9; Isaiah 9:6; Juan 1:29; Filipos 2:9–11; Hebreo 7:25,26; 1 Pedro 1:18,19).

Pinaninindigan at itinuturo namin na, sa inkarnasyon, isinantabi ng ikalawang persona ng Trinidad ang Kanyang ganap na karapatan sa pantay na pananatili kasama ng Diyos, inako ang kalagayan ng isang Anak, at nagsuot ng kalagayang nababagay sa isang lingkod samantalang di-kailanman binitiwan ang Kanyang mga katangiang pang-Diyos (Filipos. 2:5–8).

Pinaninindigan at itinuturo namin na naisagawa ng ating Panginoong Jesu-Cristo ang ating katubusan sa pamamagitan ng pagbububo ng Kanyang dugo at sakripisyong kamatayan sa krus at ang Kanyang kamatayan ay kusang-loob, bikaryo, nakapanghahalili, nagpapahupa ng galit, at nakapagtutubos (Juan 10:15; Roma 3:24,25; 5:8; 1 Pedro 2:24).

Pinaninindigan at itinuturo namin na batay sa bisa ng kamatayan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang makasalanang nananampalataya ay napapalaya mula sa kaparusahan, sa hinihinging bayad, sa kapangyarihan, at darating ang araw pati sa presensya ng kasalanan; na siya ay ibinilang na matuwid, binigyan ng buhay na walang hanggan, at inampon sa pamilya ng Diyos (Roma 3:25; 5:8,9; 2 Corinto 5:14,15; 1 Pedro 2:24; 3:18).

Pinaninindigan at itinuturo namin na ang ating pagpapawalang-sala ay tiniyak sa pamamagitan ng Kanyang literal at pisikal na pagbangon mula sa mga patay at Siya ngayon ay umakyat na sa kanang-kamay ng Ama, kung saan Siya ngayon ay namamagitan bilang ating Tagapagtanggol at Kataas-taasang na Saserdote (Mateo 28:6; Lukas 24:38,39; Mga Gawa 2:30,31; Roma 4:25; 8:34; Hebreo 7:25; 9:24; 1 Juan 2:1).

Pinaninindigan at itinuturo namin na sa pagbangon ni Jesu-Cristo mula sa libingan, pinagtibay ng Diyos ang pagka-Diyos ng kanyang Anak at nagpatunay na tinanggap ng Diyos ang gawain ni Cristo ng paghahandog para sa kasalanan sa krus. Ang pisikal na pagbangon ni Jesus ay siya ring garantiya ng isang darating na pagkabuhay na mag-uli ng lahat ng mananampalataya (Juan 5:26–29; 14:19; Roma 4:25; 6:5–10; 1 Corinto 15:20,23).

Pinaninindigan at itinuturo namin na si Jesu-Cristo ay magbabalik upang tanggapin ang iglesya, na Kanyang katawan, sa Kanyang sarili doon sa araw ng Pagdagit at, marangal na magbabalik kasama ng Kanyang iglesya, magtitindig ng Kanyang milenyal (isang libong taon) na kaharian dito sa lupa (Mga Gawa 1:9–11; 1 Tesalonika 4:13–18; Pahayag 20).

Pinaninindigan at itinuturo namin na sa pamamagitan ng Panginoong Jesu-Cristo ay hahatulan ng Diyos ang buong sangkatauhan (Juan 5:22,23):

    a. Mga mananampalataya (1 Corinto 3:10–15; 2 Corinto 5:10);
    b. Mga buhay na naninirahan sa lupa sa Kanyang marangal na pagbabalik (Mateo 25:31–46); at
    c. Mga patay na di-nananalig sa harap ng Malaking Tronong Puti (Pahayag 20:11–15).

Bilang Tagapamagitan ng tao at Diyos (1 Timoteo 2:5), ang ulo ng Kanyang katawan ang iglesya (Efeso 1:22; 5:23; Colosas 1:18), at ang darating na pangkalahatang Hari na maghahari sa trono ni David (Isaiah 9:6,7; Ezekiel 37:24–28; Lukas 1:31–33), Siya ang huling Hukom ng lahat na nabigong magtiwala sa Kanya bilang Panginoon at Tagapagligtas (Mateo 25:14–46; Mga Gawa 17:30,31).

Ang Diyos Espiritu-Santo

Pinaninindigan at itinuturo namin na ang Banal na Espiritu ay isang personang may pagka-Diyos, walang hanggan, di-natamo (underived), nagtataglay ng lahat ng katangian ng personalidad at pagka-Diyos, kasama na ang kaisipan (1 Corinto 2:10–13), mga damdamin (Efeso 4:30), kalooban (1 Corinto 12:11), pagka-walang hanggan (Hebreo 9:14), sumasalahat ng dako (Awit 139:7–10), nakakaalam ng lahat ng bagay (Isaias 40:13,14), pinakamakapangyarihan (Roma 15:13), at makatotohanan (Juan 16:13). Sa lahat ng makadiyos na katangian Siya ay may kasing-pantay at kasing-kabuuan ng Ama at ng Anak (Mateo 28:19; Mga Gawa 5:3,4; 28:25,26; 1 Corinto 12:4–6; 2 Corinto 13:14; at Jeremias 31:31–34 kasama nang Hebreo 10:15–17).

Pinaninindigan at itinuturo namin na gawain ng Banal na Espiritu na isakatuparan ang kalooban ng Diyos tungkol sa lahat ng sangkatauhan. Kinkilala namin ang Kanyang nakapangyayaring pagkilos sa paglikha (Genesis 1:2), sa inkarnasyon (Mateo 1:18), sa naisulat na kapahayagan (2 Pedro 1:20,21), at sa gawain ng pagliligtas (Juan 3:5–7).

Pinaninindigan at itinuturo namin na ang natatanging gawain ng Banal na Espiritu sa panahong ito ay nagsimula sa Pentecostes nang Siya’y dumating mula sa Ama tulad ng pangako ni Cristo (Juan 14:16,17; 15:26) upang simulan at kumpletuhin ang pagtatayo ng katawan ni Cristo. Kasama sa Kanyang mga gawain ang paghahatol sa mundo tungkol sa kasalanan, sa katuwiran, at sa paghuhukom; pagpaparangal sa Panginoong Jesu-Cristo at pagbabago ng mga mananampalataya ayon sa wangis ni Cristo (Juan 16:7–9; Mga Gawa 1:5; 2:4; Roma 8:29; 2 Corinto 3:18; Efeso 2:22).

Pinaninindigan at itinuturo namin na ang Banal na Espiritu ay siyang kahima-himala at nakapangyayaring Kinatawan sa pagbabagong-buhay, na Siyang nagbabautismo sa lahat ng mananampalataya sa katawan ni Cristo (1 Corinto 12:13). Ang Banal na Espiritu ay nananahan, nagpapabanal, nagtuturo, nagbibigay-lakas sa kanila sa paglilingkod, at nagtatatak sa kanila hanggang sa araw ng katubusan (Roma 8:9–11; 2 Corinto 3:6; Efeso 1:13).

Pinaninindigan at itinuturo namin na ang Banal na Espiritu ang siyang makalangit na tagapagturo na gumabay sa mga Apostol at propeta sa lahat ng katotohanan sa kanilang pagtatalaga sa pagsusulat ng kapahayagan ng Diyos, ang Biblia (2 Pedro 1:19–21). Ang lahat ng mananampalataya ay nagtatangan ng pananahan ng presensya ng Banal na Espiritu mula sa oras ng kaligtasan, at tungkulin ng lahat ng isinilang ayon sa Espiritu na mapuspos (pangunahan sa pamamagitan) ng Espiritu (Roma 8:9–11; Efeso 5:18; 1 Juan 2:20,27).

Pinaninindigan at itinuturo namin na ang Banal na Espiritu ang namamahala ng mga espirituwal na kaloob sa iglesya. Hindi pinararangalan ng Banal na Espiritu ang Kanyang Sarili ni ang Kanyang mga kaloob sa pamamagitan ng mga nagpapasikat na palabas, kundi Kanyang pinararangalan si Cristo sa pagganap ng Kanyang gawain sa pagtutubos ng mga naliligaw at pagtataguyod ng mga mananampalataya sa pinakabanal na pananampalataya (Juan 16:13,14; Mga Gawa 1:8; 1 Corinto 12:4–11; 2 Corinto 3:18)

Pinaninindigan at itinuturo namin, tungkol sa mga bagay na ito, na ang Diyos Banal na Espiritu ay nakapangyayari sa pagbibigay ng lahat ng Kanyang mga kaloob para sa pagsasakdal ng mga banal ngayon at ang pagsasalita ng ibang wika at mga gawa ng kababalaghan sa mga pasimulang panahon ng iglesya ay para ituro at patunayan ang mga Apostol bilang mga tagapagpahayag ng makalangit na katotohanan, at hindi kailanman sinadya na maging likas na katangian sa pamumuhay ng mga mananampalataya (1 Corinto 12:4–11; 13:8–10; 2 Corinto 12:12; Efeso 4:7–12; Hebreo 2:1–4).

Tao

Pinaninindigan at itinuturo namin na ang tao ay direkta at dagliang nilikha ng Diyos ayon sa Kanyang larawan at wangis. Ang tao ay nalikhang malaya sa kasalanan na may katangiang nakapangangatuwiran, nakauunawa, kalooban, sariling pagpapasiya, at may pananagutang moral sa Diyos (Genesis 2:7,15–25; Jacobo1 3:9).

Pinaninindigan at itinuturo namin na ang layunin ng Diyos sa paglikha ng tao ay upang parangalan niya ang Diyos, magtamasa sa pakikipag-ugnayan ng Diyos, maipamuhay ang kanyang buhay sa kalooban ng Diyos, at sa pamamagitan nito ay magampanan ang layunin ng Diyos para sa tao dito sa daigdig (Isaiah 43:7; Colosas 1:16; Pahayag 4:11).

Pinaninindigan at itinuturo namin na sa kasalanan ng pagsuway ni Adan sa naihayag na kalooban at Salita ng Diyos, naiwala ng tao ang kanyang kawalang-malay; nahita ang parusa ng espirituwal at pisikal na kamatayan; napasailalim sa poot ng Diyos; at naging likas na makasalanan at lubos na walang kakayahang pumili o gumawa nang anumang katanggap-tanggap sa Diyos liban sa kagandahang-loob ng Diyos. Dahil sa kawalang kakayahan na mabawi ang sarili, ang tao ay walang kapaga-pag-asang ligaw. Kaya naman ang kaligtasan ng tao ay lubos na grasya ng Diyos sa pamamagitan ng mapanubos na gawain ng ating Panginoong Jesu-Cristo (Genesis 2:16,17; 3:1–19; Juan 3:36; Roma 3:23; 6:23; 1 Corinto 2:14; Efeso 2:1–3; 1 Timoteo 2:13,14; 1 Juan 1:8).

Pinaninindigan at itinuturo namin na dahil ang tao ay na kay Adan, isang kalikasan na pinasama ng kasalanan ni Adan ang naipasa sa lahat ng tao sa lahat ng kapanahunan, tanging liban lamang si Jesu-Cristo. Kaya naman ang lahat ng tao ay likas na makasalanan, ayon sa kanyang sariling pagpili, at ayon sa kapahayagan ng langit (Awit 14:1–3; Jeremias 17:9; Roma 3:9–18,23; 5:10–12).

Kaligtasan

Pinaninindigan at itinuturo namin na ang kaligtasan ay lubusang gawa ng Diyos sa pamamagitan ng grasya ayon sa pagtutubos ni Jesu-Cristo, ang karapatan ng Kanyang nabubong dugo, at hindi dahil sa merito ng mga gawa ng tao (Juan 1:12; Efeso 1:4–7; 2:8–10; 1 Pedro 1:18,19).

Paghihirang

Pinaninindigan at itinuturo namin na ang paghihirang ay gawa ng Diyos kung saan, bago pa natatag ang sanlibutan, hinirang Niya kay Cristo ang mga taong nagmagandang-loob Niyang binigyan ng bagong buhay, iniligtas, at binabanal (Roma 8:28–30; Efeso 1:4–11; 2 Tesalonica 2:13; 2 Timoteo 2:10; 1 Pedro 1:1,2).

Pinaninindigan at itinuturo namin na ang nakapangyayaring paghihirang ay hindi tumututol o binabale-wala ang pananagutan ng tao na magsisisi at magtiwala kay Cristo bilang Tagapagligtas at Panginoon (Ezekiel 18:23,32; 33:11; Juan 3:18,19,36; 5:40; 2 Tesalonica 2:10–12; Pahayag 22:17). Gayun pa man, dahil kasama na sa nakapangyayaring grasya ang paraan ng pagtanggap ng kaloob ng kaligtasan at nang mismong kaloob, naibubunga ng nakapangyayaring paghihirang ang napagpasiyahan ng Diyos. Ang lahat ng taong tinatawag ng Ama palapit sa Kanya ay lalapit nang may pananampalataya at ang lahat ng lumalapit nang may pananampalataya ay tatanggapin ng Ama (Juan 6:37–40,44; Mga Gawa 13:48; Jacobo 4:8).

Pinaninindigan at itinuturo namin na ang di karapat-dapat na pagtulong na ibinibigay ng Diyos sa mga taong ubod ng sama ay walang kinalaman sa anumang pagsusumikap nila o sa inaasahan ng Diyos na maaari nilang gawin ng kusang-loob, kundi batay lamang sa Kanyang nakapangyayaring grasya at habag (Efeso 1:4–7; Tito 3:4–7; 1 Pedro 1:2).

Pinaninindigan at itinuturo namin na hindi dapat tingnan ang paghihirang na batay lamang sa di-maunawaang kaloobang nakapangyayari. Ang Diyos ay tunay na nakapangyayari ngunit Kanyang isinasagawa ang kapang-yarihang ito na may pagkakasundo sa iba pa Niyang mga katangian, lalo na sa Kanyang pagkamaalam sa lahat, katarungan, kabanalan, karunungan, kagandahang-loob, at pag-ibig (Roma 9:11–16). Ang kapangyarihang ito ay laging magtataas sa kalooban ng Diyos sa kaparaanang ganap na umaayon sa Kanyang katangian na naihayag sa buhay ng ating Panginoong Jesu-Cristo (Mateo 11:25–28; 2 Timoteo 1:9).

Pagbabagong Kapanganakan (Regeneration)

Pinaninindigan at itinuturo namin na ang pagbabagong-buhay ay isang kahima-himalang gawa ng Banal na Espiritu kung saan ang kalikasan at buhay na makadiyos ay naipagkaloob (Juan 3:3–8; Tito 3:5). Ito ay kaagad at tanging naisagawa lamang sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng pagkasangkapan sa Salita ng Diyos (Juan 5:24), kung kailan ang nagsisising makasalanan, na binigyang kakayahan ng Banal na Espiritu, ay tumutugon ng may pananampalataya sa kaligtasang inilaan ng Diyos. Ang tunay na pagbabagong-buhay ay naipapakita sa pamamagitan ng mga karapat-dapat na bunga ng pagsisisi na naipapahayag sa mga matuwid na pag-uugali at asal. Mga mabubuting gawa ang dapat na magiging katibayan at bunga nito (1 Corinto 6:19,20; Efeso 5:17–21; Filipos 2:12b; Colosas 3:12–17; 2 Pedro 1:4–11). Ang pagsunod na ito ang nagtutulak sa mananampalataya na lalo pang maging kawangis ng ating Panginoong Jesu-Cristo (2 Corinto 3:18). Ang ganitong pag-ayon ay magiging sukdulan sa sa kaluwalhatian ng mananampalataya sa pagbabalik ni Cristo (Roma 8:16,17; 2 Pedro 1:4; 1 Juan 3:2,3).

Pagpapawalang-sala

Pinaninindigan at itinuturo namin na ang pagpapawalang-sala ng tao sa harap ng Diyos ay gawa ng Diyos (Roma 8:30,33) kung saan pinahahayag Niyang matuwid ang mga taong, sa pamamagitan ng pananalig kay Cristo, nagsisisi sa kanilang mga kasalanan (Lukas 13:3; Mga Gawa 2:38; 3:19; 11:18; Roma 2:4; 2 Corinto 7:10; Isaias 55:6,7) at inaamin na Siya ay nakapangyayaring Panginoon (Roma 10:9,10; 1 Corinto 12:3; 2 Corinto 4:5; Filipos 2:11). Ang katuwirang ito ay hiwalay sa anumang kabaitan o gawa ng tao (Roma 3:20; 4:6) at nakapaloob dito ang paglalagak ng ating mga kasalanan kay Cristo (Colosas 2:14; 1 Pedro 2:24) at naibibilang sa atin ang katuwiran ni Cristo (1 Corinto 1:2,30; 6:11; 2 Corinto 5:21). Sa ganitong paraan ang Diyos ay nasasabing “Siya’y matuwid, at siyang nagpapawalang-sala sa mga nananalig kay Jesus” (Roma 3:26).

Pagbabanal

Pinaninindigan at itinuturo namin na ang bawat mananampalataya ay binanal (ibinukod) para sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapawalang-sala at kaya inihahayag na banal at kaya rin naman ipinakikilalang isang santo. Ang pagbabanal na ito ay sa katayuan at daglian at hindi dapat ipagkamali sa progresibong pagbabanal. Ang pagbabanal na ito ay may kinalaman sa katayuan ng mananampalataya, at hindi ang kanyang kasalukuyang pamumuhay o kalagayan (Mga Gawa 20:32; 1 Corinto 1:2,30; 6:11; 2 Tesalonica 2:13; Hebreo 2:11; 3:1; 10:10,14; 13:12; 1 Pedro 1:2).

Pinaninindigan at itinuturo namin na mayroon ding tinatawag na progresibong pagbabanal na gawain rin ng Banal na Espiritu kung saan ang katayuan ng mananampalataya ay lalong napapalapit sa wangis ni Cristo sa pamamagitan ng pagsunod sa Salita ng Diyos at ng bigay na kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Ang mananampalataya ay maaaring makapamuhay ng isang buhay na lumalago sa kabanalan sang-ayon sa kalooban ng Diyos, lalong nagiging katulad ng ating Panginoong Jesu-Cristo (Juan 17:17,19; Roma 6:1–22; 2 Corinto 3:18; 1 Tesalonica 4:3,4; 5:23).

Hinggil sa bagay na iyan, pinaninindigan at itinuturo namin na ang bawat naligtas na tao ay nakapaloob sa isang pang-araw-araw na labanan—ang bagong nilikha kay Cristo na nakikipaghamok laban sa laman—subalit sapat ang nakalaan upang mapagtagumpayan ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng nananahang Banal na Espiritu. Ang labanang ito gayunman ay nananatiling kasama ng mananampalataya sa buong buhay niya at hindi kailanman ganap na matatapos. Lahat ng pahayag na maaaring malipol ang kasalanan sa kasalukuyang buhay ay hindi umaayon sa Kasulatan. Ang paglipol ng kasalanan ay hindi maaaring mangyari, subalit naglaan ng katagumpayan ang Banal na Espiritu laban sa kasalanan (Galacia 5:16–25; Efeso 4:22–24; Filipos 3:12; Colosas 3:9,10; 1 Pedro 1:14–16; 1 Juan 3:5–9).

Katiyakan

Pinaninindigan at itinuturo namin na ang lahat ng tinubos kapag sila’y naligtas na ay napapanatli sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos at dahil dito’y may walang katapusang katiyakan kay Cristo (Juan 5:24; 6:37–40; 10:27–30; Roma 5:9,10; 8:1,31–39; 1 Corinto 1:4–9; Efeso 4:30; Hebreo 7:25; 13:5; 1 Pedro 1:4,5; Judas 24).

Pinaninindigan at itinuturo namin na pribilehiyo ng mga mananampalataya ang magalak sa katiyakan ng kanilang kaligtasan sa pamamagitan ng patotoo ng Salita ng Diyos, samantalang, maliwanag na ipinagbabawal din nito ang paggamit ng kalayaang ito ng Cristiano bilang pangangatuwiran sa pamumuhay sa kasalanan at pagkamakalaman (Roma 6:15–22; 13:13,14; Galacia 5:13,16,17,25,26; Tito 2:11–14).

Pakikihiwalay

Pinaninindigan at itinuturo namin na ang pagkakahiwalay sa kasalanan ay maliwanag na hinihingi sa buong Luma at Bagong Tipan, at maliwanag ding ipinakikita ng Kasulatan na sa mga huling araw darami ang mga tatalikod sa pananampalataya at mamumuhay sa kamunduhan (2 Corinto 6:14–7:1; 2 Timoteo 3:1–5).

Pinaninindigan at itinuturo namin na mula sa marubdob na pasasalamat para sa di-karapat-dapat na grasya ng Diyos na ibinigay sa atin at dahil ang ating marangal na Diyos ay karapat-dapat sa ating ganap na kabanalan, ang lahat ng naligtas ay dapat na mamuhay na umaayon sa pagpapakilala ng ating pagmamahal sa Diyos at nang hindi tayo makapagbigay ng kahihiyan sa ating Panginoon at Tagapagligtas. Pinaninindigan at itinuturo din namin na ang pagkakahiwalay sa anumang pakikitungo sa panrelihiyong pagtalikod, at mga gawaing makasanlibutan at makasalanan ay iniuutos sa atin ng Diyos (Roma 12:1,2; 1 Corinto 5:9–13; 2 Corinto 6:14–7:1; 1 Juan 2:15–17; 2 Juan 9–11).

Pinaninindigan at itinuturo namin na ang mga mananampalataya ay nararapat na nakabukod para sa ating Panginoong Jesu-Cristo (2 Tesalonica 1:11,12; Hebreo 12:1,2) at sinasang-ayunan na ang buhay Cristiano ay buhay ng matuwid na pagsunod na ipinakikita sa pamamagitan ng isang ugaling pinagpala (Mateo 5:2–12) at isang patuloy na pagsusumikap sa kabanalan (Roma 12:1,2; 2 Corinto 7:1; Hebreo 12:14; Tito 2:11–14; 1 Juan 3:1–10).

Ang Iglesya

Pinaninindigan at itinuturo namin na ang lahat ng taong naglagak ng kanilang pagtitiwala kay Jesu-Cristo ay dagliang inilalagak ng Banal na Espiritu sa isang nagkakaisang espirituwal na katawan, ang iglesya (1 Corinto 12:12,13), ang kasintahang babae na ikakasal kay Cristo (2 Corinto 11:2; Efeso 5:23–32; Pahayag 19:7,8), kung saan si Cristo ang ulo (Efeso 1:22; 4:15; Colosas 1:18).

Pinaninindigan at itinuturo namin na ang pagtatatag ng iglesya, ang katawan ni Cristo, ay nagsimula sa araw ng Pentecostes (Mga Gawa 2:1–21,38–47) at magiging kumpleto sa pagbabalik ni Cristo para sa Kanyang mga hinirang sa Pagdagit [Rapture] (1 Corinto 15:51,52; 1 Tesalonica 4:13–18).

Pinaninindigan at itinuturo namin na ang iglesya samakatuwid ay isang natatanging espirituwal na organis-mong dinisenyo ni Cristo, binubuo ng lahat ng mga mananampalatayang ipinanganak na muli sa kapanahunang ito (Efeso 2:11–3:6). Ang iglesya ay kaiba sa Israel (1 Corinto 10:32), isang misteryong hindi naibunyag hanggang sa panahong ito (Efeso 3:1–6; 5:32).

Pinaninindigan at itinuturo namin na ang pagkakatatag at pagpapatuloy ng mga lokal na iglesya ay maliwanag na itinuturo at ipinakita sa mga Kasulatan ng Bagong Tipan (Mga Gawa 14:23,27; 20:17,28; Gal. 1:2; Filipos 1:1; 1 Tesalonica 1:1; 2 Tesalonica 1:1) at ang mga kasapi ng iisang makabibliang katawan ay inuutusan na makihalubilo at makisama sa mga lokal na kalipunan (1 Corinto 11:18–20; Hebreo 10:25).

Pinaninindigan at itinuturo namin na ang kataas-taasang kapangyarihan para sa iglesya ay si Cristo (Efeso 1:22; Colosas 1:18) at ang kapamanuan ng iglesya, mga kaloob, kaayusan, disiplina, at pagsamba ay lahat nakatakda sa pamamagitan ng Kanyang nakapangyayaring kalooban na matatagpuan sa mga Kasulatan. Ang mga tinawag na tagapangasiwa batay sa Biblia na naglilingkod kay Cristo sa kalipunan ay ang mga kuya (mga kalalakihan, na tinatawag ring mga obispo, pastor, at pastor-guro; Mga Gawa 20:28; Efeso 4:11) at mga diakono, pareho silang kailangang makaabot sa pamantayan ng Biblia (1 Timoteo 3:1–13; Tito 1:5–9; 1 Pedro 5:1–5).

Pinaninindigan at itinuturo namin na ang mga pamunuang ito ay mangunguna o mamamahala bilang mga lingkod ni Cristo (1 Timoteo 5:17–22) at tangan nila ang Kanyang kapangyarihan na patnubayan ang iglesya. Ang kongregasyon ay dapat na nagpapasakop sa kanilang pamumuno (Hebreo 13:7,17).

Pinaninindigan at itinuturo namin ang kahalagahan ng pagiging disipulo (Mateo 28:19,20; 2 Timoteo 2:2), ang pananagutan ng lahat ng mga kapwa mananampalataya sa isa’t-isa (Mateo 18:15–17), at ang pangangailangan para sa pagdidisiplina ng mga nagkakasalang kasapi ng kongregasyon ayon sa pamantayan ng Kasulatan (Mateo 18:15–22; Mga Gawa 5:1–11; 1 Corinto 5:1–13; 2 Tesalonica 3:6–15; 1 Timoteo 1:19,20; Tito 1:10–16).

Pinaninindigan at itinuturo namin ang kasarinlan (autonomy) ng lokal na iglesya, ang kalayaan nito sa anumang kapangyarihan mula sa labas o kontrol, na ito’y may karapatan sa sariling pamamahala at kalayaan mula sa pakikialam ng anumang samahan ng mga matataas na tao o mga organisasyon (Tito 1:5). Pinaninindigan at itinuturo namin na umaayon sa Biblia para sa mga tunay na iglesya na makipagtulungan sa isa’t-isa para sa pagpapahayag at pagpapalawak ng pananampalataya. Ang mga lokal na iglesya, samantala, sa pamamagitan ng kanilang mga pastor at kanilang pagpapakahulugan at pagsasagawa ng Kasulatan, ang marapat na maging tanging tagapaghatol sa lawak at paraan ng kanilang pakikipagtulungan (Mga Gawa 15:19–31; 20:28; 1 Corinto 5:4–7,13; 1 Pedro 5:1–4).

Pinaninindigan at itinuturo namin na ang layunin ng iglesya ay parangalan ang Diyos (Efeso 3:21) sa pamamagitan ng pagpapalakas nito sa pananampalataya (Efeso 4:13–16), sa pagtuturo ng Salita (2 Timoteo 2:2,15; 3:16,17), sa pakikipag-ugnayan (Acts 2:47; 1 Juan 1:3), sa pagganap ng mga ordinansa (Lukas 22:19; Mga Gawa 2:38–42) at sa pagsusulong at pagbabahagi ng mabuting balita sa buong sanlibutan (Mateo 28:19; Mga Gawa 1:8).

Pinaninindigan at itinuturo namin ang pagkakatawag ng lahat ng mga mananampalataya sa gawain ng paglilingkod (1 Corinto 15:58; Efeso 4:12; Pahayag 22:12).

Pinaninindigan at itinuturo namin ang pangangailangan ng iglesya na makipagtulungan sa Diyos habang isinasagawa ng Diyos ang Kanyang layunin sa sanlibutan. Tungo dito, binibigyan Niya ang iglesya ng mga espirituwal na kaloob. Una, nagbibigay Siya ng mga kalalakihan na pinili para sa layunin ng paghahanda ng mga santo para sa gawain ng ministeryo (Efeso 4:7–12) at binibigyan din Niya ng natatangi at magkakaibang espirituwal na kakayahan ang bawat kasapi ng katawan ni Cristo (Roma 12:5–8; 1 Corinto 12:4–31; 1 Pedro 4:10,11).

Pinaninindigan at itinuturo namin na may dalawang uri ng mga kaloob na ipinagkaloob sa naunang iglesya: mahimalang kaloob ng makalangit na kapahayagan at panggagamot, na panandaliang ibinigay sa panahon ng mga Apostol para sa layunin ng pagpapatunay sa mensahe ng mga Apostol (Hebreo 2:3,4; 2 Corinto 12:12); at kaloob ng paglilingkod, ibinigay upang ihanda ang mga mananampalataya para sa pagpapatatag ng kapwa. Ngayong kumpleto na ang kapahayagan sa Bagong Tipan, ang Kasulatan ang naging tanging sukatan ng pagiging tunay ng mensahe ng isang tao, at dahil kumpleto na nga ang kapahayagan sa Bagong Tipan, ang mga mahimalang kaloob ay hindi na kinakailangan upang pagtibayin ang isang tao o ang kanyang mensahe (1 Corinto 13:8–12). Maging ang mga mahimalang kaloob ay maaaring dayain ni Satanas upang makapanlinlang kahit na sa mga mananampalataya (Mateo 24:24). Ang tanging mga kaloob na umaandar ngayon ay yaong mga kaloob na walang taglay na bagong kapahayagan, ang mga ito’y nagsasangkap na ibinigay para sa pagpapatatag (Roma 12:6–8).

Pinaninindigan at itinuturo namin na wala nang sinuman na may tangan ng kaloob ng panggamot ngayon subalit nakikinig at tumutugon ang Diyos sa panalanging may pananalig at tutugon ayon sa Kanyang sariling perpektong kalooban para sa mga may karamdaman, nagdurusa, at nagdadalamhati (Lukas 18:1–8; Juan 5:7–9; 2 Corinto 12:6–10; Jacobo 5:13–16; 1 Juan 5:14,15).

Pinaninindigan at itinuturo namin na may dalawang ordinansa na ipinagkatiwala sa lokal na iglesya: bautismo at ang Banal na Hapunan (Mga Gawa 2:38–42). Ang baustimong Cristiano na sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig (Mga Gawa 8:36–39) ay mapitagan at magandang patotoo ng isang mananampalataya na nagpapakita ng kanyang pananampalataya sa ipinako, inilibing, at bumangong Tagapagligtas, at kanyang pakikipag-isa sa Kanya sa kamatayan sa kasalanan at pagbangon sa isang bagong buhay (Roma 6: 1–11). Tanda rin ito ng pakikipag-ugnayan at pakikiisa sa nakikitang katawan ni Cristo (Mga Gawa 2:41,42).

Pinaninindigan at itinuturo namin na ang Banal na Hapunan ay paggunita at paghahayag ng Kanyang kamatayan hanggang sa Kanyang pagbabalik, at karapat-dapat na palagiang ito’y napangungunahan ng mataimtim na pagsusuri sa sarili (1 Corinto 11:23–32). Pinaninindigan at itinuturo rin namin na ang mga sangkap ng komunyon ay kumakatawan lamang sa laman at dugo ni Cristo, ang Banal na Hapunan ay gayun pa man isang aktuwal na Komunyon kasama ng bumangong Cristo, na sa isang natatanging paraan ay kasamang nakikipag-ugnayan sa Kanyang mga hinirang (1 Corinto 10:16).

Mga Anghel

Mga Banal na Anghel

Pinaninindigan at itinuturo namin na ang mga anghel ay mga nilalang at kaya naman di dapat sambahin. Datapuwat sila’y nasa mataas na baitang ng pagkakalikha higit sa tao, sila’y nilikha upang paglingkuran ang Diyos at Siya’y sambahin (Lukas 2:9–14; Hebreo 1:6,7,14; 2:6,7; Pahayag 5:11–14).

Mga Nagkasalang Anghel

Pinaninindigan at itinuturo namin na si Satanas ay isang nilikhang anghel at may-akda ng kasalanan. Napala niya ang hatol ng Diyos dahil sa kanyang paghihimagsik laban sa kanyang Maykapal (Isaiah 14:12–17; Ezekiel 28:11–19), dahil sa nakatangay siya ng maraming anghel sa kanyang pagkakasala (Mateo 25:41; Pahayag 12:1–14), at dahil sa inumpisahan niya ang kasalanan sa lahi ng tao sa kanyang pagtukso kay Eba (Genesis 3:1–15).

Pinaninindigan at itinuturo namin na si Satanas ay lantaran at inihayag na kaaway ng Diyos at tao (Isaiah 14:13,14; Mateo 4:1–11; Pahayag 12:9,10), ang prinsipe ng sanlibutang ito na nagapi sa pamamagitan ng kamatayan at pagbangon ni Jesu-Cristo (Roma 16:20) at siya ay parurusahan sa dagat-dagatang apoy magpakawalang-hanggan (Isaiah 14:12–17; Ezekiel 28:11–19; Mateo 25:41; Pahayag 20:10).

Mga Huling Bagay

Kamatayan

Pinaninindigan at itinuturo namin na sa pisikal na kamatayan hindi nawawala ang ating imateryal na kamalayan (Pahayag 6:9–11), na mayroong paghihiwalay ng kaluluwa at katawan (Jacobo 2:26), na ang kaluluwa ng mga tinubos ay dagliang tutungo sa harap ni Cristo (Lukas 23:43; 2 Corinto 5:8; Filipos 1:23), at, para sa mga tinubos, ang ganyang paghihiwalay ay magpapatuloy hanggang sa araw ng Pagdagit (1 Tesalonica 4:13–17) na siyang pasimula ng unang pagbangon mula sa mga patay (Pahayag 20:4–6), kapag ang ating kaluluwa at katawan ay muling magiging isa na pararangalan nang magpasa-walang hanggan kasama ng ating Panginoon (1 Corinto 15:35–44, 50–54; Filipos 3:21). Hanggang sa araw na yaon, ang mga kaluluwa ng mga tinubos kay Cristo ay mananatili sa galak na pakikipag-ugnayang kasama ng ating Panginoong Jesu-Cristo (2 Corinto 5:8).

Pinaninindigan at itinuturo namin ang pagbangon ng mga katawan ng lahat ng tao, ang mga naligtas tungo sa buhay na walang hanggan (Juan 6:39; Roma 8:10,11,19–23; 2 Corinto 4:14), at ang mga makasalanan sa kahatulan at walang hanggang kaparusahan (Daniel 12:2; Juan 5:29; Pahayag 20:13–15).

Pinaninindigan at itinuturo namin na ang mga kaluluwa ng mga makasalanan sa kanilang kamatayan ay mananatiling nasa ilalim ng kaparusahan hanggang sa ikalawang pagbangon (Lukas 16:19–26; Pahayag 20:13–15), kapag ang kaluluwa at ang nabangong katawan ay naging isa (Juan 5:28, 29). Sila ay haharap sa paghahatol ng Malaking Tronong Puti (Pahayag 20:11–15) at matatapon sa impiyerno, ang dagat-dagatang apoy (Mateo 25:41–46), putol na sa buhay ng Diyos magpasa-walang hanggan (Daniel 12:2; Mateo 25:41–46; 2 Tesalonica 1:7–9).

Ang Pagdagit ng Iglesya

Pinaninindigan at itinuturo namin ang personal, buong katawan na pagbabalik ng ating Panginoong Jesu-Cristo bago ang pitong taong kapighatian (1 Tesalonica 4:16; Tito 2:13) upang isalin ang Kanyang iglesya mula sa lupang ito (Juan 14:1–3; 1 Corinto 15:51–53; 1 Tesalonica 4:15–5:11) at, sa gitna ng pangyayaring ito at nang Kanyang maluwalhating pagbabalik kasama ng Kanyang mga santo, upang gantimpalaan ang mga mananampalataya ayon sa kanilang mga gawa (1 Corinto 3:11–15; 2 Corinto 5:10).

Ang Panahon ng Kapighatian

Pinaninindigan at itinuturo namin na katatapos ng pagtanggal ng iglesya mula sa lupa (Juan 14:1–3; 1 Tesalonica 4:13–18) ang mga matuwid na paghahatol ng Diyos ay ibubuhos sa daigdig na di nananalig (Jeremias 30:7; Daniel 9:27; 12:1; 2 Tesalonica 2:7–12; Pahayag 16), at ang mga paghahatol na ito ay magiging sukdulan sa pagbabalik ni Cristo sa kaluwalhatian dito sa lupa (Mateo 24:27–31; 25:31–46; 2 Tesalonica 2:7–12). Sa panahong iyon ang mga santo ng Lumang Tipan at panahon ng kapighatian ay ibabangon at ang mga buhay ay hahatulan (Daniel 12:2,3; Pahayag 20:4–6). Nakapaloob sa panahong ito ang ika-pitumpung linggo sa hula ni Daniel (Daniel 9:24–27; Mateo 24:15–31; 25:31–46).

Ang Ikalawang Pagparito at ang Isanlibong Taong Paghahari

Pinaninindigan at itinuturo namin na pagkatapos ng panahon ng kapighatian, si Cristo ay paparito sa lupa upang lumuklok sa trono ni David (Mateo 25:31; Lukas 1:32,33; Mga Gawa 1:10,11; 2:29,30) at itatatag ang Kanyang ipinangakong kaharian nang isang libong taon dito sa lupa (Pahayag 20:1–7). Sa panahong iyon ang mga nagbangong santo ay maghaharing kasama Niya sa buong Israel at sa lahat ng bayan sa lupa (Ezekiel 37:21–28; Daniel 7:17–22; Pahayag 19:11–16). Ang paghaharing ito ay pangungunahan ng pagkakalupig ng Anticristo at ng Huwad na Propeta, at sa pagtatanggal kay Satanas mula sa sanlibutan (Daniel 7:17–27; Pahayag 20:1–6).

Pinaninindigan at itinuturo namin na ang kaharian mismo ang siyang magiging kaganapan ng pangako ng Diyos sa Israel (Isaias 65:17–25; Ezekiel 37:21–28; Zacarias 8:1–17) upang papanumbalikin sila sa lupaing nawalan sila ng karapatan dahil sa kanilang pagsuway (Deutoronomio 28:15–68). Ang bunga ng kanilang pagsuway ay ang sandaling pagsasantabi ng Israel (Mateo 21:43; Roma 11:1–26) subalit muling magigising sa pamamagitan ng pagsisisi upang pumasok sa lupain ng pagpapala (Jeremias 31:31–34; Ezekiel 36:22–32; Roma 11:25–29).

Pinaninindigan at itinuturo namin na sa panahong ito ng paghahari ng ating Panginoon ay magkakaroon ng katangian ng pagkakasundo, katarungan, kapayapaan, katuwiran, at mahabang buhay (Isaias 11; 65:17–25; Ezekiel 36:33–38), at dadalhin sa katapusan sa pagpapalaya kay Satanas (Pahayag 20:7).

Ang Paghahatol Sa mga Naliligaw

Pinaninindigan at itinuturo namin na pagkatapos ng pagpapalaya kay Satanas pagkatapos ng isang libong taon na paghahari ni Cristo (Pahayag 20:7), si Satanas ay manlilinlang ng mga bayan sa lupa at titipunin sila upang makipaghamok sa mga santo at sa minamahal na lungsod, sa panahon ding ito si Satanas at ang kanyang hukbo ay lalamunin ng apoy na mula sa langit (Pahayag 20:9). Pagkatapos nito, si Satanas ay itatapon doon sa lawang apoy at asupre (Mateo 25:41; Pahayag 20:10) pagkatapos si Cristo, na siyang Tagapaghatol ng lahat ng tao (Juan 5:22), ay ibabangon ang mga dakila at maliliit sa harap ng paghahatol ng Malaking Tronong Puti.

Pinaninindigan at itinuturo namin na ang resureksyong ito ng mga di-ligtas na mga patay para hatulan ay magiging isang pisikal na pagbangon, pagkatapos ay tatanggapin nila ang paghahatol (Juan 5:28,29), sila ay itatalaga sa isang may kamalayan at walang hanggang kaparusahan sa dagat-dagatang apoy (Mateo 25:41; Pahayag 20:11–15).

Kawalang-hanggan

Pinaninindigan at itinuturo namin na pagkatapos ng pagsasara ng Isang Libong Taon, ang panandaliang pagpapalaya kay Satanas, at ang paghahatol sa mga di-mananampalataya (2 Tesalonica 1:9; Pahayag 20:7–15), ang mga naligtas ay papasok sa walang hanggang kalagayan ng kaluwalhatian na kasama ang Diyos, pagkatapos nito ang mga elemento ng lupang ito ay mangatutunaw (2 Pedro 3:10) at mapapalitan ng isang bagong lupa kung saan ang tanging mananahan ay katuwiran (Efeso 5:5; Pahayag 20:15,21,22). Susunod dito, ang makalangit na lungsod ay papanaog mula sa kalangitan (Pahayag 21:2) at siyang magiging tahanan ng mga santo, kung saan sila ay makikinabang sa walang hanggang pakikipag-ugnayan kasama ang Diyos at ang isa’t-isa (Juan 17:3; Pahayag 21,22). Ang ating Panginoong Jesu-Cristo, pagkatapos na magampanan ang Kanyang tungkulin ng pagtutubos, ay ihahatid ang kaharian sa Diyos Ama (1 Corinto 15:23–28) upang sa lahat ng bahagi ang Diyos na tatlong persona ay maghari magpasawalang-hanggan (1 Corinto 15:28).

 

© 1999 - 2017 The Expositor.org. All rights reserved.